Friday, 11 May 2012

Reel Time Presents ‘Limang Maria’ – A Mother’s Day Special

Reel Time Presents ‘Limang Maria’ – A Mother’s Day Special


A touching Mother’s Day special is airing this Sunday evening on GMA News TV.

Sadyang hindi kayang ipaliwanag ang sakripisyong kayang gawin ng isang Ina: nasa hukay ang kanyang isang paa at may responsibilidad na habang-buhay na kailangang tupdin. Tunay na nag-uumapaw ang kanyang pagmamahal para sa pamilya. Ayon nga sa isang makata na si Robert Browning, sa pagiging ina nagsisimula at nagtatapos ang pagmamahal. Sabi pa nga ng ilan, ito ay isang sukatan ng pagiging isang ganap na babae. Pero ano ang kahihinatnan ng mga babaeng nabuntis nang maaga pero hindi pa handang maging isang ganap na ina?

Si Michelle Abrasaldo ay limang buwan nang buntis. Siya ang panganay sa limang magkakapatid na babae, at siya ang nakasaksi sa lahat ng sakripisyo ng kanilang yumaong ina sa loob ng maraming taon. May malungkot man siyang nakaraan, siya ay umaasang magbabago ito sa pagdating ng kanyang isisilang na anghel. Hindi na bago sa kanya ang pagkakaroon ng sanggol. Sa katunayan nga, mas nauna pa ang kanyang mga nakababatang kapatid na magbuntis at magkaroon ng anak. Ang mga anghel na ito ang nagbibigay daw sa kanila ng kaligayahan. Dalawa sa kanila ang naging ina sa murang edad.

Si Emily, ang bunso sa magkakapatid, ay naging ina sa edad na dise-sais. Tumigil sa pag-aaral, nakaasa siya sa kanyang kinakasama at kasalukuyang buntis din. Si Armen naman, dise-syete anyos nang malaman niyang siya ay nagdadalantao. Buong araw, wala siyang ibang ginagawa kundi alagaan ang kanyang limang-buwang anak na lalaki.

Ang Limang Maria ay istorya ng limang magkakapatid na babae: tatlo sa kanila ang buntis, isang hindi sapat ang kakayahan upang maitaguyod ang kanyang tatlong anak, at isang naninindigang hindi matulad sa kanyang mga kapatid. Subaybayan ang kanilang kwento sa Reel Time, GMA News TV sa Araw ng mga Ina ngayong Mayo 13, Linggo, sa ganap na 8:45 ng gabi.

0 comments:

Post a Comment